TESDA at Sultan Kudarat PNP, lumagda sa MOU para sa pagsasanay at pagpapaunlad ng kasanayan ng mga pulis at kanilang mga benipisyaryo

0
46

Lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Sultan Kudarat Police Provincial Office at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) – Sultan Kudarat bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pagpapaunlad ng kakayahan ng mga tauhan at kahusayan ng organisasyon kasabay ng isinagawang Monday Flag Raising Ceremony sa Provincial Headquarters, New Admin Building, Camp Colonel Amando M. Dumlao Sr., Isulan, Sultan Kudarat noong Agosto 3, 2026.

Pinangunahan nina Police Colonel Marvin A Fontalva, Acting Provincial Director ng Sultan Kudarat PPO, at Atty. Rabmor Thomas T. Bartolome, Provincial Director ng TESDA – Sultan Kudarat, ang paglagda sa kasunduan na naglalayong palakasin ang propesyonal at personal na pag-unlad ng mga PNP personnel at kanilang mga kwalipikadong benepisyaryo sa pamamagitan ng mga programang pang-edukasyon at pagsasanay.

Kasabay ng programa, kinilala rin ang mga natatanging kalahok na nagwagi sa 1st Provincial Director’s Cup. Iginawad ang mga parangal sa mga PNP personnel na nagpakita ng kahusayan sa kompetisyon, habang tumanggap naman ng mga plaque of appreciation ang mga Chiefs of Police at Force Commanders bilang pagkilala sa kanilang mahalagang suporta at kontribusyon sa matagumpay na pagsasagawa ng nasabing palaro na nagtaguyod ng pagkakaisa, pagtutulungan, at pisikal na kahandaan ng mga tauhan ng Sultan Kudarat PNP.

Tampok din sa programa ang ceremonial signing ng MOU sa ilalim ng Strategic Development Project MAF (Mentorship, Advocacy, and Force Readiness). Layunin ng inisyatibong ito na mabigyan ang mga PNP personnel at kanilang mga kwalipikadong benepisyaryo ng mas malawak na access sa technical education, skills development programs, national certification, at iba pang oportunidad na makatutulong sa kanilang personal at propesyonal na pag-unlad.

Sa pamamagitan ng nasabing partnership, inaasahang magkakaroon ng mas maraming oportunidad para sa kabuhayan at career advancement ang mga tauhan ng Sultan Kudarat PNP at kanilang mga pamilya. Bahagi rin ito ng patuloy na adhikain ng tanggapan na mapaunlad ang kabuuang kapakanan ng mga kawani sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon, pagpapahusay ng kasanayan, at paghahanda sa kanila para sa mga hamon sa loob at labas ng serbisyo.

Source: Sultan Kudarat Police Provincial Office

Leave a Reply