Ipinagkaloob ang Search and Rescue (SAR) equipment sa mga tauhan ng South Cotabato Police Provincial Office mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato kasabay ng pagbubukas ng 2026 South Cotabato DRRM Summit na ginanap sa South Cotabato Gymnasium and Cultural Center noong Agosto 3, 2026.
Dumalo si Police Lieutenant Colonel Marifel A. Maganto, Deputy Provincial Director for Administration (DPDA), bilang kinatawan ng South Cotabato Police Provincial Office sa naturang programa, kasama ang mga kinatawan mula sa Supply Unit at Provincial DRRM Focal Person, bilang pagpapakita ng patuloy na suporta ng tanggapan sa mga programang naglalayong palakasin ang disaster preparedness at emergency response sa lalawigan.
Nabatid na nakinabang din sa pamamahagi ng SAR equipment ang iba pang uniformed service agencies, mga institusyong pang-edukasyon, at mga barangay sa buong lalawigan upang mapalakas ang kanilang kapasidad sa disaster response at disaster risk reduction.
Layunin ng inisyatibong ito na higit pang mapahusay ang kakayahan ng mga law enforcement at iba pang katuwang na ahensya sa mabilis at epektibong pagtugon sa mga sakuna at iba pang emergency.
Ang naturang programa ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato na palakasin ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya, dagdagan ang mga kinakailangang kagamitan, at isulong ang mas matatag at mas handang mga komunidad sa harap ng anumang kalamidad.
Source: South Cotabato Police Provincial Office



