Php374K halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa buy-bust operation ng BCPO

0
23

Nakumpiska ng mga tauhan ng Police Station 8, Bacolod City Police Office (BCPO) ang humigit-kumulang Php374,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 4, Magsungay, Barangay Singcang Airport, Bacolod City noong Hulyo 31, 2026.

Sa naturang operasyon, naaresto ang isang drug personality na kinilalang si alias “JB.” Nakuha mula sa kanyang pag-iingat ang humigit-kumulang 55 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na Php374,000.

Bago isinagawa ang operasyon, nagsagawa ang mga operatiba ng masusing intelligence gathering, surveillance, at validation matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng droga ng suspek sa mga Barangay Singcang Airport at Barangay 40, Bacolod City. Kabilang sa mga nakumpiska ang isang sachet ng hinihinalang shabu na ginamit bilang buy-bust item, pitong sachet ng hinihinalang shabu, isang knot-tied plastic bag na naglalaman din ng hinihinalang shabu, isang coin purse, at ang marked money na ginamit sa transaksyon.

Alinsunod sa umiiral na batas, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa wikang kanyang nauunawaan. Isinagawa rin ang wastong pagmamarka, imbentaryo, at pagkuha ng mga larawan sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinatawang itinakda ng batas upang matiyak ang integridad ng chain of custody. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay PBGen Romano V. Cardiño, Regional Director ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO NIR), patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang intelligence-driven at law enforcement operations laban sa mga indibidwal na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.

Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga. Ipinakikita rin nito ang matatag na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng ligtas at mapayapang komunidad, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos

Source: PRO NIR

Leave a Reply