Wanted person sa kasong attempted at frustrated homicide, arestado sa Lucena City

0
22

Arestado ang isang wanted person na kinilalang alyas “Joel” sa ikinasang joint law enforcement operation sa Lucena City, Quezon, bandang alas-10:50 ng umaga noong Hulyo 31, 2026. Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng dalawang magkahiwalay na warrant of arrest na inisyu ng mga hukuman sa Legazpi City.

Pinangunahan ang operasyon ng Lucena Component City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Legazpi City Police Station, 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company, at 2nd Albay Provincial Mobile Force Company. Nahaharap ang suspek sa kasong attempted homicide, na may inirekomendang piyansang Php12,000.00, at frustrated homicide, na may inirekomendang piyansang Php24,000.00, o kabuuang halagang Php36,000.00.

Nadokumento ang buong operasyon gamit ang Alternative Recording Device (ARD) bilang bahagi ng pagsunod sa umiiral na mga alituntunin sa operasyon. Ipinaalam din sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Matapos sumailalim sa medical examination, nananatili siya sa kustodiya ng Lucena Component City Police Station habang inihahanda ang kanyang pagharap sa issuing court para sa kaukulang legal na proseso.

Ayon kay Police Colonel Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay Police Provincial Office, ang matagumpay na pag-aresto ay sumasalamin sa patuloy na pinaigting na kampanya ng Albay PPO laban sa mga wanted person at sa matibay na koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas.

Patuloy na pinaiigting ng Philippine National Police ang manhunt operations laban sa mga taong may kinakaharap na kaso upang matiyak na maipatutupad ang batas at mapananagot ang mga lumalabag dito, alinsunod sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply