Mas lalo pang pinagtibay ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) ang matatag na ugnayan ng Philippine National Police (PNP) at ng komunidad sa idinaos na Gawad Kaagapay ng PCADG 2026 noong Hulyo 31, 2026 sa Bulwagang Lapulapu, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Kinilala sa prestihiyosong seremonya ang mga natatanging kawani ng PCADG, katuwang na institusyon, at mga community partner na patuloy na nag-aambag sa pagpapalakas ng police-community relations at sa pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran.
Sa temang “Pagpupugay at Pagkilala sa mga Natatanging Kaagapay sa Pagtataguyod ng Matatag na Ugnayang PNP at Pamayanan,” binigyang-diin ng programa ang mahalagang papel ng pagtutulungan ng kapulisan at iba’t ibang sektor ng lipunan sa pagbuo ng ligtas, mapayapa, at matatag na pamayanan. Ang pagkilala sa mga huwarang kaagapay ay nagsilbing pagpupugay sa kanilang dedikasyon at mahalagang ambag sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa PNP.
Naging tampok sa programa ang mensahe ng panauhing pandangal na si Philippine Information Agency Director General Katherine Chloe S. De Castro, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa, bukas na komunikasyon, at sama-samang pagkilos sa paghahatid ng dekalidad na serbisyo publiko. Samantala, binigyang-inspirasyon naman ni PBGen Vina H. Guzman, Director ng PCADG, ang mga dumalo sa pamamagitan ng kanyang panawagan na ipagpatuloy ang matibay na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa komunidad bilang susi sa epektibong pagpapatupad ng mga programa ng PNP.
Patuloy na isinusulong ng PCADG ang mga programang nagpapalalim sa ugnayan ng kapulisan at mamamayan, na kinikilala bilang mahalagang pundasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa. Kaakibat nito ang pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na sumasalamin sa patuloy na hangarin ng PNP na makapaghatid ng propesyonal, tapat, at serbisyong tunay na nararamdaman ng bawat Pilipino.
Source: PCADG



