Isang malaking karangalan ang natanggap ng Masbate 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) matapos kilalanin ang proyektong “Bantay sa Barangay” bilang Best Community and Service-Oriented Policing (CSOP) System Project for the Province of Masbate – Special Category noong Hulyo 31, 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng 31st Police Community Relations (PCR) Month.
Ang parangal ay iginawad ng National Police Commission (NAPOLCOM) Regional Office V sa ginanap na seremonya sa Camp BGen Simeon A. Ola, Legazpi City, Albay. Ang pagkilala ay sumasalamin sa matagumpay na pagpapatupad ng programang naglalayong palakasin ang ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol Michael P. Lorilla, Force Commander, patuloy na isinusulong ng Masbate 1st PMFC ang mas matibay na pakikipagtulungan sa mga barangay, lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at mga mamamayan upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa mga komunidad, lalo na sa mga geographically isolated barangays ng lalawigan.
Ang pagkilalang ito ay bunga ng pagkakaisa, malasakit, at sama-samang pagkilos ng kapulisan at komunidad sa pagpapatupad ng epektibong community policing. Patunay ito na sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng bawat mamamayan at matatag na ugnayan ng iba’t ibang sektor, mas ligtas, mas mapayapa, at mas maunlad na Masbate ang maaaring makamit, alinsunod sa adbokasiya ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



