Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Daraga Municipal Police Station (MPS) ang isang wanted person na kinilalang si alyas “Roel” sa isinagawang operasyon sa Tabaco City, Albay, bandang alas-11:50 ng umaga noong Hulyo 29, 2026.
Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng Daraga MPS sa ilalim ng superbisyon ni PLtCol Mary Grace P. Tagtag, Chief of Police ng Daraga MPS.
Naaresto ang akusado sa bisa ng dalawang magkahiwalay na Warrant of Arrest na inisyu ng mga hukuman sa Legazpi City at Daraga, Albay. Kinakaharap niya ang kasong Direct Bribery sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code at Usurpation of Authority or Official Functions sa ilalim ng Article 177 ng parehong batas.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang mga dahilan ng pag-aresto at ang mga karapatan sa wikang nauunawaan nito, alinsunod sa itinatakda ng batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Daraga Municipal Police Station (MPS) ang akusado habang isinasagawa ang kaukulang legal na proseso.
Pinuri ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba at binigyang-diin ang patuloy na pagpapatupad ng “Serbisyong NOEL (Nararapat, Organisado, Epektibo at Laging Maaasahan)”.
Aniya, nananatiling nakatuon ang Albay PPO sa maagap, maayos, at makatarungang pagpapatupad ng batas, kasabay ng pagtiyak na napangangalagaan ang mga karapatan ng bawat mamamayan alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos



