Naitala ng Police Regional Office 4A (PRO 4A), sa pamumuno ni Acting Regional Director PBGen Dominic L. Baccay, ang malaking pagbaba ng insidente ng walong focus crimes sa rehiyon matapos bumaba ng 36 na kaso o katumbas ng 52.17 porsiyento mula Hulyo 20 hanggang 26, 2026 kumpara sa nakaraang linggo.
Bunga ng mas pinaigting na pagpapatupad ng mga operasyon, umabot sa 1,400 suspek ang naaresto sa loob lamang ng isang linggo, habang milyun-milyong pisong halaga ng ilegal na droga, baril, at iba pang ebidensya ang nasamsam. Sa kampanya laban sa ilegal na droga, nagsagawa ang PRO 4A ng 219 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 294 indibidwal.
Nakumpiska rin ang 1,394.54 gramo ng shabu at 108.79 gramo ng marijuana na may tinatayang halaga na Php9.4 milyon batay sa Dangerous Drugs Board.
Samantala, sa kampanya laban sa mga wanted person, naaresto ang 93 Most Wanted Persons at 182 iba pang wanted na indibidwal.
Nagpatuloy rin ang maigting na kampanya laban sa mga ilegal na baril at ilegal na sugal. Sa 41 operasyon laban sa loose firearms, 31 katao ang naaresto, 68 ilegal na baril ang nakumpiska, at 22 indibidwal ang boluntaryong nagsuko ng kanilang mga armas para sa safekeeping.
Bukod dito, 800 indibidwal ang naaresto sa 404 operasyon laban sa ilegal na sugal sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Ayon kay PBGen Baccay, ang patuloy na pagbaba ng kriminalidad ay bunga ng masusing pagpapatupad ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), ng PRO 4A B.E.S.T. (Be Visible, Engage Immediately, Serve Together, Transform Trust), at ng matatag na pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ng mamamayan. Pinuri rin niya ang dedikasyon, propesyonalismo, at mahusay na serbisyo ng mga pulis na naging susi sa patuloy na pagpapalakas ng seguridad at kapayapaan sa rehiyon.
Ang pagbaba sa bilang ng krimen ay sumasalamin sa patuloy na pagpapaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa ilalim ng adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Police Regional Office 4A



