13 indibidwal, arestado sa oil pilferage sa Lucena City; Mahigit Php6.2-M kontrabando, nasamsam

0
44

abintatlong (13) indibidwal ang naaresto sa isinagawang magkasanib na operasyon ng Police Regional Office 4A (PRO 4A) laban sa ilegal na operasyon ng produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG) sa Lucena City, Quezon noong Hulyo 27, 2026.

Bandang alas-4:20 ng hapon, nagsagawa ng joint law enforcement operation ang mga operatiba ng Regional Special Operations Unit 4A (RSOU 4A), Regional Intelligence Division 4A (RID 4A), Provincial Intelligence Unit ng Quezon Police Provincial Office, at Lucena City Component Police Station sa Torio Compound, Barangay Silangang Mayao, Lucena City.

Nasamsam sa operasyon ang ilang tanker truck at delivery truck, libu-libong litro ng diesel at LPG, daan-daang LPG cylinders, mga Intermediate Bulk Containers (IBC), water pumps, hoses, at iba pang kagamitang ginagamit sa umano’y ilegal na operasyon. Tinatayang nagkakahalaga ng Php16,289,750 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang produktong petrolyo, LPG, sasakyan, at iba pang ebidensya.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1865 o Oil Anti-Pilferage Law at Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act. Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Lucena City Component Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga naaangkop na kasong kriminal sa korte.

Ayon kay Police Brigadier General Dominic L. Baccay, Acting Regional Director ng PRO 4A, patuloy na paiigtingin ng rehiyon ang kampanya laban sa lahat ng uri ng economic sabotage na nagbabanta sa kaligtasan ng publiko at sa seguridad ng suplay ng enerhiya sa bansa. Pinuri rin niya ang mga operatiba sa kanilang mabilis at mahusay na koordinasyon, at iginiit na pananagutin ang sinumang lalabag sa batas upang maprotektahan ang mamamayan at mapanatili ang integridad ng lehitimong industriya ng langis at LPG.

Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police laban sa oil pilferage, smuggling, at iba pang uri ng economic sabotage, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: Police Regional Office 4A

Leave a Reply