Davao City – Naganap ang Pulis Got Talent “Battle of the Bands” sa pangunguna ng Area Police Command ng Eastern Mindanao sa Camp Sgt. Quintin M Merecido, Buhangin, Davao City, nito lamang Martes, Abril 26, 2022.
Matapos ang higit dalawang taon ng huling isinagawa ang patimpalak ng “Battle of the Band” ng PNP ay muli nila itong binuksan at nasaksihan ang paglalaban-laban ng iba’t ibang Banda mula sa mga Police Regional Offices sa pangangasiwa ng APC-Eastern Mindanao kabilang ang PRO 10, PRO 11 at PRO 13 na dinaluhan ni PLtGen Manuel Abu, Commander APC-EM kasama ang iba’t ibang matataas na opisyal ng PNP na siyang naging hurado ng nasabing patimpalak.
Ang nasabing elimination round ay may tatlong kategorya kung saan sila ay may one common song na “Your Love by Alamid” na siyang paboritong kanta ni PNP Chief, PGen Dionardo Carlos; one freestyle-band’s masterpiece; at one original composition na may tema na nagpapakita ng PNP ng pagiging bayani, pagsusumikap, mga magagandang paggawa at pagsasakripisyo.
Lahat ng mga naging kalahok ay nagpakitang gilas ng kani-kanilang naggagandahang mga performances na siyang nagpahirap sa mga hurado na magdesisyon at pumili kung sino ang nararapat na manalo.
Nasungkit ng PRO 10 ang pagiging kampeon sa nasabing kompetisyon na siyang nag-uwi ng premyong Php100,000 kasama ang trophy at plaque na muling lalaban para sa Grand Finals na gaganapin sa Camp BGen Rafael T Crame, Quezon, City.
Ayon kay PLtGen Abu, ang ganitong aktibidad ay hindi lamang pagtatagisan ng mga talento kundi ito ay isang fellowship, camaraderie at brotherhood na magdadala sa magiging malaking accomplishments ng PNP lalo na sa APC-Eastern Mindanao.
###
Panulat ni Patrolman Rhod Evan Andrade