Mahigpit na ipatutupad ng Quezon City Police District ang liquor ban kaugnay ng nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., sa buong lungsod simula nitong Lunes, Hulyo 27, 2026, mula 12:01 ng madaling araw hanggang 6:00 ng gabi.
Ayon kay Police Brigadier General Randy Glenn Silvio, District Director ng QCPD, ang pagpapatupad ng liquor ban ay alinsunod sa Executive Order No. 24, Series of 2026, na inilabas ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, na may pamagat na An Order Implementing a Liquor Ban in Quezon City on July 27, 2026, in View of the State of the Nation Address of President Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
Nabatid na sa ilalim ng nasabing kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, at pag-inom ng mga inuming may alkohol sa buong Lungsod Quezon sa itinakdang oras. Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, matiyak ang kaligtasan ng publiko, at maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente na maaaring makaapekto sa seguridad kaugnay ng taunang SONA ng Pangulo.
Pinaaalalahanan ng QCPD ang lahat ng mga establisimyento, tindahan ng alak, mga operator ng restoran, at ang publiko na mahigpit na sundin ang nasabing kautusan. Ang sinumang indibidwal o establisimyentong mapatutunayang lumabag sa liquor ban ay sasailalim sa kaukulang aksyon at maaaring patawan ng mga kaukulang parusa alinsunod sa umiiral na mga batas at naaangkop na mga lokal na ordinansa.
“Sa lahat ng Citizens, please be guided by the laws, rules and regulations being implemented by the city government upang maiwasan ang anumang kaguluhan at maisakatuparan ang payapa, maayos, at ligtas na magaganap na SONA 2026,” mensahe ni PBGen Silvio.
Source: Quezon City Police District



