Matagumpay na naaresto ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang apat na drug personalities habang nakumpiska ang mahigit Php2.4 milyong halaga ng iligal na droga sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa sa Ifugao, Baguio City, at Kalinga noong Hulyo 18, 2026.
Sa pagpapatupad ng search warrant sa Brgy. Población West, Lamut, Ifugao, naaresto ang isang 44-anyos. Narekober ng mga operatiba ang isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, pitong sachet ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na Php53,533.20, at iba’t ibang drug paraphernalia. Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Ifugao Police Provincial Office, katuwang ang iba pang operating units.
Tatlo pang hinihinalang sangkot sa bentahan ng iligal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Baguio City at Tabuk City, Kalinga. Dalawang suspek ang nahuli sa Baguio City matapos magbenta ng pinaghihinalaang shabu, habang isang 33-anyos na lalaki ang naaresto sa Tabuk City matapos magbenta ng apat na bote ng marijuana oil. Ang mga operasyon ay matagumpay na naisagawa sa tulong ng iba’t ibang yunit ng PRO CAR at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Samantala, nadiskubre ng mga operatiba ang dalawang plantasyon ng marijuana sa Tinglayan, Kalinga na naglalaman ng humigit-kumulang 12,000 fully grown marijuana plants na may tinatayang Standard Drug Price na Php2.4 milyon. Agad na binunot at sinunog ng mga awtoridad ang mga tanim upang hindi na ito mapakinabangan ng mga sangkot sa iligal na gawain, habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang iba pang plantasyon at mga responsable sa pagtatanim nito.
Ang lahat ng naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya na ng mga kaukulang operating units para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya ng PNP laban sa iligal na droga.
Muling pinagtitibay ng Philippine National Police ang matatag nitong paninindigan laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng mas pinaigting na law enforcement operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies, alinsunod sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.ā
Source: PRO CAR



