Nagsagawa ng outreach caravan ang mga tauhan ng Lupon Municipal Police Station (MPS) bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-31 Police Community Relations o PCR Month sa Banhawan Elementary School sa Barangay Marayag, Lupon, Davao Oriental nito lamang Hulyo 17, 2026.
Pinangunahan ni Police Major Ian Marc S. Polestico, Chief of Police ng Lupon MPS, ang nasabing aktibidad na dinaluhan ng iba’t ibang partner agencies, advocacy support groups, force multipliers, at mga stakeholder na nagkaisa upang makapaghatid ng serbisyo sa komunidad, lalo na sa mga mag-aaral ng Banhawan Elementary School.
Kabilang sa mga isinagawang programa ang libreng gupit para sa mga mag-aaral at pamamahagi ng mga school supplies upang makatulong sa kanilang paghahanda sa pag-aaral.
Naging mas makahulugan pa ang outreach sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor na nagbigay ng oras, suporta, at mga kinakailangang kagamitan para sa tagumpay ng programa.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang Lupon Municipal Police Station sa Lokal na Pamahalaan ng Lupon sa pangunguna ni Mayor Santos Q. Alonzo Jr., 2nd DOPMFC, RPSB Cluster 15, Philippine Coast Guard–Lupon Sub-Station, BJMP Lupon District Jail, Guardians Brotherhood Incorporated, PNP Commel Cobra Civic Group, Salaam Police Advocacy Group–Lupon Chapter, iba pang advocacy support groups, force multipliers, at lahat ng partner stakeholders na naging katuwang sa pagsasakatuparan ng outreach caravan.
Layunin ng outreach caravan na higit pang mapalakas ang tiwala at kooperasyon sa pagitan ng kapulisan at ng mamamayan, maihatid ang mga serbisyong direktang nararamdaman ng komunidad, at isulong ang people-centered policing. Patunay ito ng patuloy na hangarin ng Philippine National Police na maging katuwang ng bawat mamamayan sa pagtataguyod ng isang ligtas, mapayapa, at maunlad na pamayanan na layunin sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”


