Isinagawa ang Regional Joint Security Control Center Meeting kaugnay sa 1st Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Election sa Camp BGen Salipada K. Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte nito lamang Hulyo 14, 2026.
Ito ay pinangunahan ni Police Brigadier General Christopher Abecia, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, kasama sina Police Major General Wilson Joseph F Lopez, Deputy Chief PNP for Operations, at Atty. Rey F. Sumalipao, Regional Election Director ng COMELEC-BARMM.
Dumalo rin sa pagpupulong sina BGen Edgar L Catu (GSC) ng Philippine Army; COMMO Rejard V Marfe, Commander ng Coast Guard District BARMM; PBGen Dennis A Esguerra, Regional Director ng Police Regional Office 9; PBGen Christopher N Abrahano, Regional Director ng Police Regional Office 10; PBGen Leon Victor Z Rosete, Regional Director ng Police Regional Office 11; at PBGen Alan B Manibog, Regional Director ng Police Regional Office 12.
Ang pagdalo ng mga Regional Director sa naturang pagpupulong ay nagpapakita ng matibay na koordinasyon at nagkakaisang adhikain ng mga ahensiyang pangseguridad upang matiyak ang mapayapa, maayos, at ligtas na halalan sa rehiyon ng Bangsamoro.
Nagsilbing mahalagang plataporma ang pagpupulong upang higit pang palakasin ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya, suriin ang kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan at seguridad, at pag-isahin ang mga operational plan bilang paghahanda sa nalalapit na parliamentary elections.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang mga natukoy na lugar na may election concern sa buong BARMM, ang pagde-deploy ng karagdagang mga tauhan ng PNP mula sa mga karatig na Police Regional Office, at ang suportang ipagkakaloob ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines upang higit pang mapalakas ang mga operasyon para sa seguridad ng halalan.
Sa pamamagitan ng mahigpit na pagtutulungan ng mga law enforcement agency, militar, at iba pang kaugnay na ahensya, muling pinagtibay ng RJSCC ang kanilang pangako na pangalagaan ang integridad ng proseso ng halalan, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, maprotektahan ang mga botante, kandidato, at mga tauhan ng halalan, at matiyak na ang bawat kwalipikadong botante sa Bangsamoro ay malayang, ligtas, at may kumpiyansang maisasakatuparan ang kanilang karapatang bumoto na napapaloob sa mantra ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region



