Arms cache at mga pampasabog, narekober sa Allacapan, Cagayan

0
108

Matagumpay na narekober ng pinagsanib na puwersa ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC), katuwang ang iba pang yunit, ang isang arms cache at iba’t ibang pampasabog sa Barangay Capalutan, Allacapan, Cagayan noong Hulyo 11, 2026.

Boluntaryong ibinahagi ng isang Peace Advocate na kinilala sa alyas na “Doming” ang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga nakatagong armas sa isang miyembro ng Company Advisory Group (CAG) ng yunit.

Agad na nagsagawa ng validation at recovery operation ang mga awtoridad, na nagresulta sa pagkakatuklas ng nakatagong arms cache. Narekober sa lugar ang isang .38-caliber revolver, isang improvised shotgun, isang improvised .22-caliber firearm, mga 40 mm high-explosive cartridge, rifle grenade, hand grenade, blasting caps, iba’t ibang bahagi ng improvised explosive device (IED), at iba pang kagamitang may kaugnayan dito.

Ang lahat ng nakuhang ebidensya ay agad na dinala sa Allacapan Municipal Police Station para sa wastong dokumentasyon, imbentaryo, at kaukulang legal na disposisyon. Samantala, ang mga explosive components ay isinailalim sa tamang safety procedures alinsunod sa umiiral na mga protocol.

Patuloy na hinihikayat ng 2nd Cagayan PMFC ang publiko na makiisa sa mga programa ng pamahalaan at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng komunidad at ng mga ahensya ng pamahalaan, higit na napapalakas ang kampanya laban sa insurhensiya at iba pang banta sa seguridad tungo sa isang mas ligtas, mapayapa, at maunlad na Bagong Pilipinas.

Source: 2nd Cagayan PMFC

Leave a Reply