Parang, Maguindanao – Sugatan ang apat na indibidwal matapos pasabugan ang sinasakyan nilang pampasaherong bus na Rural Tours Bus sa Parang, Maguindanao nito lamang Linggo, Abril 24, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, Chief of Police ng Parang MPS ang mga sugatang pasahero na sina Fesel Panario Culag, 40; John Paul Capuo, 17; Expedito Bocay, 45; at Benjamin Macacua Wahab, 32, pawang mga residente ng Cotabato City.
Ayon kay PCol Macatangay, hindi pa matukoy ang klase ng bomba na sumabog sa likurang bahagi ng Rural Tours Bus.
Dinala naman agad ang mga biktima sa Parang District Hospital habang sina Culag at Capuo ay dinala naman sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City dahil sa matinding sugat na natamo sa insidente.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Parang Municipal Police Station.
Ang naturang Rural Tours Bus ay bumibiyahe mula Dipolog City patungong General Santos City.
Samantala, hinihikayat ng Parang PNP ang publiko na maging mapagbantay sa lahat ng oras; agad na i-report sa pulisya ang anumang impormasyon at mga kahina-hinalang tao, aktibidad at di pangkaraniwang pangyayari sa publiko tulad ng mga kahon at bag na iniwang walang bantay, mga taong nagsusuri ng mga lugar o gusali, mga taong nakasuot ng labis na damit o anumang hindi kanais-nais na mga insidente at sitwasyon ng krimen sa numerong 0917-564-6558 Parang MPS Hotline o sa Parang MPS Facebook account.
###
Panulat ni Patrolman John Mabborang