Suspek sa Robbery incident, arestado sa checkpoint operation ng Mulanay PNP; Php115K halaga ng shabu, baril, at granada, nakumpiska

0
109

Naaresto ng mga operatiba ng Mulanay Municipal Police Station ang isang lalaking sangkot sa naganap na robbery incident sa bayan ng General Luna matapos itong maharang sa isang checkpoint operation sa Barangay Sta. Rosa, Mulanay, Quezon noong Mayo 29, 2026.

Kinilala ni Police Major Ian C Java, Chief of Police ng Mulanay MPS, ang suspek na si alyas “Brad,” 39 taong gulang at residente ng Barangay San Isidro, Mulanay, Quezon.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril na may magazine at 14 na bala, dalawang sachets ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 5.67 gramo at tinatayang street value na Php115,668, isang hand grenade, isang cellphone, mga ATM card, identification cards, mga pitaka, isang shoulder bag, at ang motorsiklong kanyang ginamit.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives ang kakaharaping kaso ng suspek.

Pinuri ng Quezon Police Provincial Office ang maagap na koordinasyon at mabilis na pagtugon ng mga kapulisan na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakarekober ng mga ilegal na kagamitan na maaaring magdulot ng panganib sa komunidad.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng kahandaan at dedikasyon ng ating mga pulis sa paglaban sa kriminalidad. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang yunit upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan sa lalawigan ng Quezon,” pahayag ni Police Colonel Romulo A Albacea, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office.

Leave a Reply