Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang ika-apat na most wanted person sa lalawigan ng Oriental Mindoro sa isinagawang manhunt operation sa Barangay Bulusan, Calapan City noong Huwebes, Mayo 28, 2026.
Pinangunahan ng Calapan City Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PLt Col. Michael Caraggayan ang operasyon, katuwang ang mga tauhan ng 404th Battalion Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion MIMAROPA at Oriental Mindoro Maritime Police Station.
Ang suspek, isang 18-anyos na residente ng naturang barangay, ay nahaharap sa tatlong bilang ng kasong rape batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng hukuman. Ang kanyang pagkakaaresto ay itinuturing na mahalagang hakbang sa pagpapatupad ng hustisya at pagpapanatili ng kapayapaan sa lalawigan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calapan City Police Station ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso bago siya iharap sa korte kung saan nakabinbin ang kanyang mga kaso.
Pinuri ni PBGen Christopher R. Dela Cruz, Acting Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA, ang dedikasyon at mahigpit na koordinasyon ng mga operatiba. Aniya, “The successful implementation of manhunt operations reflects the dedication, persistence, and coordination of our operating units in ensuring that individuals facing criminal charges are brought before the courts in accordance with the rule of law.”
Ang matagumpay na operasyon ay sumasalamin din sa matatag na paninindigan ng PNP laban sa kriminalidad at sa patuloy nitong pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



