iSMART ng Isabela PPO, matagumpay na nakapagtapos ng Basic Life Support at First Aid Training

0
104

Matagumpay na natapos ng Isabela Special Motorcycle Action and Response Team (iSMART) ng Isabela Police Provincial Office (PPO) ang limang araw na Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid Training Course noong Mayo 29, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa kakayahan ng mga pulis sa pagtugon sa mga emergency at insidente sa kalsada.

Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sa pakikipagtulungan sa Isabela PPO, ang nasabing pagsasanay upang mabigyan ang mga miyembro ng iSMART ng sapat na kaalaman at praktikal na kasanayan sa pagbibigay ng agarang tulong medikal at wastong pagresponde sa iba’t ibang uri ng emergency situations.

Kabilang sa mga pangunahing paksa sa Basic Life Support training ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) para sa iba’t ibang age group, tamang paggamit ng Automated External Defibrillator (AED), rescue breathing, at choking management. Samantala, tinalakay naman sa Standard First Aid training ang patient assessment, wastong bandaging at splinting techniques, stabilization methods, at mga response protocol para sa medical, environmental, at poisoning emergencies.

Bilang bahagi ng pagsasanay, nagsagawa rin ng simulation drill sa huling araw upang masukat at masuri ang kahandaan ng mga kalahok sa aktwal na paglalapat ng mga natutunang emergency response procedures. Ipinakita ng mga miyembro ng iSMART ang kanilang kakayahan sa mabilis at maayos na pagtugon sa mga senaryong maaaring maranasan sa kanilang operasyon sa komunidad.

Layunin ng pagsasanay na higit pang paigtingin ang kahandaan at propesyonalismo ng mga miyembro ng iSMART upang makapagbigay ng maagap, episyente, at maaasahang serbisyo sa panahon ng sakuna, aksidente, at iba pang kritikal na insidente. Ito ay kaakibat ng adhikain ng Philippine National Police na isulong ang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP Isabela

Panulat ni Pat Leinee Lorenzo

Leave a Reply