Isang magandang huwaran hindi lamang sa hanay ng kapulisan kundi sa ating lahat ang ginawang kabayanihan at serbisyong may puso ni PCpl Rene T Getigan sa pagganap nito sa kanyang tungkulin upang maibalik sa tunay na may-ari ang napulot na envelop na naglalaman ng malaking halaga.
Araw ng Martes, Oktubre 12, 2021, habang si PCpl Getigan ay nagsasagawa ng kanyang mobile beat patrol sa kahabaan ng Palm Drive St. Buhangin, Davao City, nakita nito ang isang puting sobre na naglalaman ng pera at mga tseke.
Dito nga ay hindi nag-atubili si PCpl Getigan na kaagad itong dalhin sa Buhangin Police Station kung saan siya nakatalaga sa pamumuno ni PMaj Bernie B Suaga, Acting Station Commander upang humingi ng tulong sa police investigator dito upang matukoy at mahanap ang tunay na nagmamay-ari ng naturang sobre.
Ang nasabing sobre na hindi sinasadyang nahulog ng kolektor ng Metal Flow Hardware ay naglalaman ng dalawang (2) post-dated cheque na nagkakahalaga ng Php87,250 at Php92,615 kasama ang perang nagkakahalaga ng Php129,780 na may kabuuang halaga na Php309,645.
Namayani sa puso ni PCpl Getigan ang maglingkod sa kapwa sa kahit anong oras at sitwasyon lalo na siya ay may takot at pananalig sa Panginoon.
Ang pangyayaring ito ay muling nagpatunay sa pagiging tapat ng kapulisan sa kanilang sinumpaang tungkulin, na sa kabila ng mga personal na pangangailangan ay mas pinipiling maging isang pulis na magiting.
Matagumpay naman na naibalik ang malaking halaga ng pera at tseke sa nasabing hardware na lubos na ipinagpasalamat ng may-ari nito.
“Maging tapat lamang tayo sa ating trabaho lalo na sa ating kapwa-tao at pagseserbisyo sa bayan, dahil ang Pulisya ay dapat laging maaasahan sa lahat ng bagay lalo na sa mga nangangailangan ng tulong”, saad nito.
#####
Article by Police Corporal Mary Metche A Moraera