Sagay City – Sugatan ang isang Indian shopkeeper nang dalawang beses na pagbabarilin ng nag-iisang gunman sa Barangay Poblacion 2 sa Sagay City kahapon ng Easter Sunday, Abril 17, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Jonel Guadalupe, Hepe ng Sagay City Police Station, ang biktima na si Mandeep Singh, 42, residente ng Armen Apartment sa Barangay Poblacion 1 sa nasabing lungsod.
Ayon kay PLtCol Guadalupe, bandang 12:30 ng tanghali nangyari ang pamamaril habang ang biktima ay namamahala sa counter ng tindahan nang dalawang beses na binaril ng hindi pa nakikilalang gunman na nagpanggap bilang customer.
Ayon pa kay PLtCol Guadalupe, nagtamo si Singh ng mga tama ng baril sa kanyang mukha at braso at isinugod sa Lopez District Farmers Hospital para malapatan ng lunas at kalaunan sa South Bacolod Hospital sa Bacolod City.
Ang gunman ay tumakas gamit ang motorsiklo at hindi pa matukoy ng Sagay PNP ang motibo sa likod ng pamamaril.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 at isang pares ng tsinelas.
Hinihikayat ng Sagay PNP ang publiko na ipagbigay alam sa pulisya ang sino mang nakakaalam sa nangyaring pamamaril upang mabilis ang pagresolba ng kaso at mahuli ang suspek.
###
Panulat ni PMSg Leah Lyn Q Valero