Davao de Oro – Nahukay ng mga tauhan ng PNP at AFP ang mga buto ng taong hinihinalang dating miyembro ng New People’s Army na pinagmalupitan at pinatay ng mga kasama nito sa Brgy. Montevista, Davao de Oro, nitong Lunes, Abril 18, 2022.
Sa isinagawang “OPLAN CALAPE” ng pinagsamang tauhan ng PNP at AFP ay positibong kinilala ni Ginang Rose Tumanan, residente ng Purok 4, Brgy. Lebanon, Montevista na ang kalansay na nahukay ay ang kanyang anak na si Reneboy Abiao alyas ‘Ka Oboy’ na biktima ng summary execution ng nasabing komunistang grupo.
Ayon kay PCol Leonard Luna, Provincial Director, Davao de Oro Police Provincial Office, natukoy ang pagkakakilanlan nito sa pamamagitan ng Identification Card (Hugpong Federal Movement of the Phils Inc ID) na may pangalan ng biktima na natagpuan sa mismong hukay nito.
Dagdag pa ni PCol Luna, ang nasabing operasyon ay binubuo ng mga tauhan ng 1st Davao de Oro Provincial Mobile Force Company at Revitalized-Pulis Sa Barangay Cluster 8 Team Leader na si PLt Analou Hormigas, kasama ang Montevista Municipal Police Station sa tulong at suporta ng 25th Infantry (Fireball) Battalion sa ilalim ng 1001st Infantry (PAGASA) Brigade ng Philippine Army.
Naging matagumpay naman ang nasabing operasyon dahil sa tulong at kooperasyon ng mga residente ng Brgy. Montevista sa kapulisan ng Police Regional Office 11 na nagpapakita lamang ng magandang samahan at ugnayan nito sa komunidad.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara