2 suspek sa Timog ambush, tukoy na ng QCPD

0
115

Tukoy na ng mga awtoridad ang mga suspek sa pag-ambush sa negosyante at dating pangulo ng Association of Club, Karaoke, Disco Owners Operators (ACKDO) at ng driver nito lamang Martes ng hapon, Abril 28, 2026, sa Timog Ave. at EDSA sa Quezon City.

Batay sa kuha ng mga CCTV sa lugar, kilala na ang mga mukha ng dalawang suspek na sakay ng isang Mio motorcycle nang isinagawa ang pag-ambush sa mga biktimang sina alyas ‘Perry’, 75 anyos, at alyas ‘Cocoy’, 51 anyos, kapwa residente ng Quezon City.

Sa ginawang backtracking ng Criminal Investigation and Detection Unit-Quezon City Police District (CIDU-QCPD), makikita ang paghinto ng mga suspek sa Sct. Ybardolaza St., kung saan hinintay ang pagdaan ng puting mini SUV ng mga biktima na Suzuki S-Presso na may plakang NLE 4839 hanggang sa umabot sa Timog Ave., at saka pinababaril ang mga ito.

Tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril kung saan nagpalit ng mga damit at inabandona ang motorsiklo sa Sct. Rallos.

Naglakad patungong Sct. Ybardolaza ang mga suspek hanggang sa makitang dumaan sa Sct.Torillo at Sct. Borromeo, kung saan sumakay ng tricycle.

Ayon kay Kamuning Police Station 10 Commander PLt.Col. Zachary Capellan, ngayong kilala na ang mga suspek, mas paiigtingin ang manhunt laban sa mga ito bukod pa sa pagbuo ng special investigation team na pangungunahan ni Police Brigadier General Randy Glenn Silvio, District Director ng Quezon City Police District, upang malaman ang motibo at utak sa krimen.

Lumilitaw rin na mga professional at miyembro ng gun for hire ang mga suspek at ginawan ng pekeng MV file ang ginamit na Mio motorcycle at narekober sa crime scene ang 12 basyo ng kalibre .45 baril.

Patuloy ang QCPD sa pagtugis sa mga suspek at nanawagan ng tulong at kooperasyon sa mamamayan upang mapabilis ang paghuli at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga biktima at ng pamilyang naulila.

Source:

https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/metro/2026/04/30/2524561/2-suspek-sa-timog-ambush-tukoy-na

Leave a Reply