Taguig City — Tinatayang Php278,800 halaga ng shabu at dalawang baril ang nakumpiska sa tatlong drug suspect kabilang ang miyembro ng MILF sa joint buy-bust operation ng Taguig PNP nito lamang Linggo, Abril 17, 2022.
Kinilala ni District Director Police Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Imbra Dunding y Kiton alyas “Datu”, 38, vendor; Sashed Upam y Singkong, 52, networker, at miyembro ng MILF; at Christian Anito, 21, estudyante.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang ala-1:00 ng madaling araw ay naaresto ang mga suspek sa kahabaan ng Jacinto Street, Brgy. Upper Bicutan, Taguig City ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Station Intelligence Section, SWAT at MCU Sub-station 7 Taguig CPS.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 41 gramo na may Standard Drug Price na Php278,800.
Narekober din ang Php1,000 na ginamit bilang buy-bust money, Php29,000 na ginamit naman na boodle money, isang yunit ng Caliber 3. revolver na may laman na tatlong live ammunitions, isang yunit caliber 45 pistol na may tatlong live ammunitions, isang magazine, MILF Membership card at black sling bag.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang karagdagang kaso naman ang isasampa kina Dunding at Upam sa paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” in relation to Omnibus Election Code.
“Ang matagumpay na pagkakadakip sa mga suspek ay isang indikasyon na ang pinaigting na anti-criminality operation ay isang mabisang istratehiya. Tinitiyak namin sa inyo na pananatilihin namin ang pagsasagawa ng anti-crime drive upang maprotektahan ang mga taga-Timog Metro laban sa mga walang prinsipyong indibidwal,” ani PBGen Macaraeg.
###
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos