Buong bansa ay nakiisa sa paggunita ng Araw ng Kagitingan nitong ika-9 ng Abril. Noong Abril 9, 1942, nakipagbakbakan ang mga sundalong Pilipino kasama ang mga Amerikanong sundalo para maidepensa ang Corregidor pero hindi pa rin umubra sa puwersa ng mga Hapon. Libong Pilipino at Amerikanong sundalo ang namatay habang ipinagtatanggol ang Bataan.
Walang katumbas na halaga ang kagitingang ipinamalas ng mga sundalo noong World War 2 partikular ang mga nagtanggol sa Bataan. Katulad ng ating mga Pilipinong sundalo, hindi rin matatawaran ang kagitingan ng ating mga kapulisang nagbuwis ng buhay upang mapalaya ang bansa mula sa panganib ng iligal na droga, terorismo at iba pang krimen.
Kasabay ng pagsaludo ng buong hanay ng pambansang pulisya sa ating mga bayaning namayapa at buhay pa na nagtanggol sa Inang bayan laban sa mga manaÂnakop, nagbibigay pugay din tayo sa ating mga kapulisang na buong giting na ginampanan ang kanilang pangunahing mandato upang magsilbi at pumrotekta sa bayan at ating mga mamamayan.
Libo-libo na sa ating mga kapulisan ang nag-alay ng kanilang sarili habang nagseserbisyo sa bayan. Nitong linggo lamang ay isa na namang pulis na kinilalang si Patrolman Harvie Lovino Jr. ang nagbuwis ng buhay dahil sa patraydor na pag-atake ng mga teroristang komunista habang ang mga kasama naman nito ay lubhang nasugatan. Sina Patrolman Lovino Jr. at kanyang mga kasama ay mga miyembro ng PNP Retooled Community Support Program. Ito ang programang naglalapit ng mga pangunahing serbisyo ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga malalayong pook at upang hikayatin ating mga kababayan na suportahan ang mga programa ng gobyerno.
Sumasaludo din tayo sa kagitingan ng ating mga pulis na doctor at nurse sa hindi matatawarang serbisyo at pangunguna sa pagtugon sa pandemy. Kahit pa malaking banta sa kanilang kalusugan at buhay ay patuloy lamang sila sa pagtulong sa mga dinapuan ng COVID-19. Ang kawalang-pag-iimbot, dedikasyon at katapangan na ipinakita ninyo sa panahon ng krisis pangkalusugan ay naglagay sa inyo sa parehong liga ng ating mga pambansang bayani na nag-alay ng sukdulang sakripisyo upang palayain ang ating bansa mula sa mga dayuhang mapang-api.
Sa ating mga kapulisan na patuloy na tumutugon sa anumang hamon ng panahon at laging maaasahan sa anumang unos, bagyo man, pandemya at kahit pa may banta ng kapahamakan dulot ng mga terorista at mga kriminal saludo kami sa inyo. Saludo kami sa inyong kagitingan at sa araw-araw na pakikipaglaban at pagpapakita ng pagmamahal sa ating bayan. Kayo ang sumasalamin sa mga tunay na bayani ng kasalukuyan.
###