Nasa may kabuuang 5,599 na pulis ang na-dismiss sa serbisyo sa Philippine National Police mula noong Hulyo 2016 hanggang Marso 30, 2022 matapos maharap sa mga kasong administratibo dahil sa mga grave offenses.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP na si Police Brigadier General Roderick Augustus Alba, bunsod ito ng agresibong pagsisikap ng PNP Internal Affairs Service sa paghawak at pag-iimbestiga sa miyembro ng hanay ng pulisya na sinampahan ng kasong administratibo.
Nanindigan naman ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas na lalabanan ang katiwalian sa loob mismo ng sistema ng organisasyon sa pamamagitan ng malawakang Internal Cleansing Program nito.
Bukod sa tuluyang pagkakatanggal sa serbisyo, marami pang parusa ang ipinataw sa mga tauhan ng pulisya na sinampahan ng less serious offenses.
Ayon sa datos ng PNP, mula noong Hulyo 2016 – Marso 2022 ay makikitang may bilang na 1,129 ang na-demote; 10,490 ang nasuspinde; 848 ang nahaharap sa pagkawala ng kanilang suweldo; 2,475 ang na-reprimand; 208 ang restricted; at may kabuuang 286 ang napagkaitan ng kanilang pribilehiyo.
Mula sa 5,599 na na-dismiss na pulis, 714 dito ay nasangkot sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Sumasalamin ang bilang ng pinarusahan na kapulisan sa pangako ng PNP na lilinisin ang hanay nito upang maisakatuparan ang kanilang mandato sa pagprotekta sa komunidad.
Sa kabilang banda, katuwang naman ng PNP IAS ang PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) upang epektibo nitong maisakatuparan ang nasabing mandato.
Tungkulin ng PNP-IMEG na tumanggap ng mga reklamo at impormasyon laban sa mga tiwaling miyembro ng organisasyon at magsagawa ng mga nauugnay na aktibidad sa pangangalap ng impormasyon, tuklasin at magsagawa ng intelligence build-up sa pagkakasangkot ng mga tauhan ng PNP sa mga ilegal na aktibidad, mga gawain ng graft at corruption at iba pang mga krimen para sa agarang pagsasagawa ng unang hakbangin; at magpasimula ng mga operasyon ng pagpapatupad ng batas laban sa mga tiwaling tauhan ng PNP.
Ayon sa PNP Spokesperson, ang PNP ay nagbigay ng buong kooperasyon sa isinasagawang sariling imbestigasyon sa mga kaso ng anti-drug operations ng Department of Justice, sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation.
Batay sa patuloy na pagsisikap ng PNP, PNP-IAS at PNP-IMEG na pigilin ang katiwalian sa loob ng organisasyon, nais ng PNP na tutulan ang pahayag mula sa kamakailang ulat ng Estados Unidos ukol sa karapatang pantao na nagsasaad na ang IAS ay nanatiling hindi epektibo sa mandato nito.
Ayon pa kay PBGen Alba, bagama’t hindi ganap na binabalewala ang ulat ng US State Department on human rights, nais ng PNP na tumugon dito sa lahat ng makabuluhang mga nagawa ng IAS tulad ng nasaad na mga datos.
Magiging hindi ito patas para sa PNP na ituring bilang isang organisasyon na kumukonsite sa impunity at mga pang-aabuso sa karapatang pantao.
Aniya pa ni PBGen Alba, mananantiling maninindigan ang PNP para sa tama, makatarungan at patas. Bagama’t ito ay magiging mahirap na labanan para sa PNP, ipatutupad ang batas nang walang takot at pabor. Patuloy na pagbubutihin ang ating sistema at organisasyon upang maprotektahan at mapagsilbihan ang pamayanang Pilipino.
Photo Courtesy: PNP PIO
###