Mankayan, Benguet – Tinatayang Php600,000 halaga ng marijuana ang nakumpiska sa isang suspek na napatay sa engkwentro sa mga PNP noong Sabado, Abril 16, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Ronald Lee, Regional Director, Police Regional Office Cordillera, ang suspek na si Crisanto Marcellano, a.k.a. “Cris”, residente ng San Pedro, Laguna.
Ayon kay PBGen Lee, nagsagawa ng checkpoint operation sa Pas-adan, Colalo, Mankayan, Benguet sa pangunguna ng Regional Special Operations Group/Regional Drug Enforcement Unit, PROCOR kasama ang Mankayan Municipal Police Station at Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagpupuslit ng pinaniniwalaang marijuana bricks mula sa Cervantes, Ilocos Sur patungong Mankayan, Benguet gamit ang isang sasakyang Black Honda City na walang plaka.
Ayon pa kay PBGen Lee, pinara ng mga naturang pulis ang suspek nang dumaan ito sa checkpoint area pero sa halip na huminto ay bigla na lamang niyang pinaharurot ang kanyang sasakyan kung saan nabangga pa niya ang checkpoint signage.
Agad namang tinimbrehan ng Mankayan PNP ang kanilang mga kasamahan na nagbabantay sa Poblacion, Mankayan, Benguet upang pahintuin ang nasabing sasakyan kung saan dito na nagsimulang paputukan ng suspek ang mga pulis.
Dagdag pa ni PBGen Lee, gumanti ng putok ang mga pulisya kung saan nagtamo ng gunshot wounds ang suspek na agad namang dinala sa Lepanto Consolidated Mining Company Hospital pero idineklara itong dead on arrival ni Dr. Kariza Claire Galang Raguro.
Samantala, narekober naman ng mga tauhan ng Benguet Provincial Forensic Unit sa crime scene ang mga sumusunod: limang marijuana bricks na may timbang na mahigit kumulang limang kilo na nagkakahalaga ng Php600,000, isang caliber 9mm Taurus pistol (SN: PSE58630) na may isang live ammo (chamber loaded), isang magazine na may walong live ammo, isa pang magazine ng caliber 9mm at ang sasakyan na ginamit ng suspek.
Ang PNP Cordillera ay mas paiigtingin ang pagpapatupad ng checkpoint sa rehiyon upang mapigilan at maiwasan ang anumang krimen na maaaring gawin ng mga kawatan.
###