Metro Manila – Nagsagawa ng inspeksyon ang PNP HPG sa mga provincial bus terminal sa NCR at Cavite nitong umaga, Abril 17, 2022.
Ang nasabing inspeksyon ay pinangunahan ni Police Colonel Willam Segun, Deputy Director for Administration ng Philippine National Police Highway Patrol Group, kasama si Police Captain Ian Kidd Eblahan, Officer of the Day, Regional Highway Patrol Unit-National Capital Region.
Ito ay bahagi sa mas komprehensibong kampanya ng PNP sa pamamagitan ng Ligtas SumVac (Summer Vacation) 2022 campaign, na naglalayong mapanatiling ligtas at matiwasay ang buong summer vacation ng bawat mamamayan.
Kabilang sa pinuntahan ng grupo ang Five-Star Terminal Cubao at Solid North Terminal na parehong nasa Quezon City; PITX Terminal sa Parañaque City, at maging sa ilang mga terminal sa lalawigan ng Cavite.
Layunin ng naturang pagbisita na suriin at siguruhin ang kahandaan ng mga kapulisan sa pagbibigay ng agarang tulong at aalalay sa mga commuters. Mariin ding pinaalalahanan ng grupo ang lahat ng mga personnel na sumunod pa rin sa mga health safety protocols na ibinaba ng Inter-Agency Task Force o IATF kaugnay sa COVID-19 pandemic.
###