Matagumpay na nabawi ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang carnapped na Yamaha Aerox (2023 model) sa Barangay Pag-asa, Quezon City noong Abril 16, 2026. Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn Silvio, District Director, sa pamamagitan ng District Anti-Carnapping Unit (DACU), na muling nagpatunay sa kahandaan ng pulisya sa paglaban sa kriminalidad.
Ayon sa ulat ng DACU na pinamumunuan ni PLtCol Hector Ortencio, nagsimula ang operasyon matapos humingi ng tulong ang rehistradong may-ari ng motorsiklo na na-carnap pa noong Marso 23, 2025. Agad na nakipag-ugnayan ang Mabitac Municipal Police Station sa QCPD, na nagresulta sa mabilis na follow-up operation sa isang parking area sa kahabaan ng EDSA.
Bandang alas-6:30 ng gabi nang dumating ang isang lalaki sakay ng naturang motorsiklo. Kaagad siyang nilapitan ng mga operatiba at hiningan ng patunay ng pagmamay-ari, subalit nabigo siyang magpakita ng anumang dokumento. Nang makumpirmang carnapped ang sasakyan, kusang-loob niyang isinuko ito sa mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, lumabas na nakuha ng lalaki ang motorsiklo sa pamamagitan ng online swapping deal sa Facebook Marketplace. Ipinagpalit niya ang kanyang Suzuki Raider 150 at nagdagdag ng Php30,000 kapalit ng Yamaha Aerox mula sa isang indibidwal na nagpakilalang “ACE,” na kalaunan ay hindi na makontak at nagdulot ng hinala na ilegal ang pinagmulan ng unit.
Matapos ang beripikasyon, naibalik ang motorsiklo sa tunay na may-ari. Nagpaalala naman ang QCPD sa publiko na maging maingat sa online buy-and-sell o swapping transactions at tiyaking lehitimo ang mga dokumento.
“The QCPD reminds everyone to be extra careful with online buy-and-sell or swap deals. Always verify the legitimacy of the item and its documents before making any transaction to avoid scams,” ani PBGen Silvio.
Ipinakita ng operasyon ang epektibong koordinasyon at dedikasyon ng pulisya sa pagpapanatili ng ligtas na komunidad sa lungsod, alinsunod sa adbokasiyang “Bagong Pnp para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Quezon City Police District


