Leyte – Nagtalaga ang Leyte Police Provincial Police Office ng mga kababaihang pulis mula sa Women and Children Protection Center sa mga evacuation center para sa mga nabiktima ng bagyong “Agaton” nito lamang Abril 13, 2022.
Ayon kay Police Colonel Edwin Balles, Provincial Director ng Leyte Police Provincial Office, ang mga naitalagang WCPD personnel ay inatasang tumulong upang tiyakin ang seguridad at pangangailangan ng mga kababaihan, mga bata at ang iba pang mga nakaligtas sa bagyo.
Base sa report mula sa MPS/CPS mahigit o kulang 674 na pamilya o 3,663 indibidwal ang nasa 43 evacuation centers sa iba’t ibang barangay sa lalawigan ng Leyte dahil sa Tropical Storm “Agaton”.
Ipinaliwanag naman ni PMaj Jennifer Medalla, Hepe ng Provincial WCPD na ang mga babaeng pulis ang pangunahing naatasang magbigay ng proteksyon at seguridad sa mga evacuation center. Nandiyan sila para pamahalaan ang mga kaso, sakaling magkaroon ng anumang insidente ng karahasang sekswal at batay sa kasarian.
Dagdag pa rito, magsisilbi rin sila bilang mga welfare workers pati na rin sa pakikipagtulungan ng MSWDO sa kani-kanilang munisipyo/lungsod. Nakipag-ugnayan sila sa mga evacuees sa pamamagitan ng suportang ibinibigay nila sa kanilang pagbangon mula sa karanasan ng bagyong “Agaton”.
Ang WCPD ay may malaking papel sa ganitong uri ng sakuna, gayundin ang psychosocial counseling na may mga referral para sa karagdagang psychosocial o legal na suporta para sa mga nakaligtas sa karahasan na nakabatay sa kasarian.
Ayon pa kay PCol Balles, tinitiyak ng LPPO ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya o diwa ng Bayanihan sa pagtulong sa mga Leyteňos na nasalanta ng kamakailang kalamidad.
###