Nanganak ang isang buntis sa loob mismo ng PNP patrol car at agad na tinulungan ng mga pulis upang ligtas na maisilang ang sanggol bandang 2:45 ng hapon noong Biyernes, Pebrero 20, 2026 sa Tago, Surigao del Sur.
Umani ng papuri mula kay Police Captain Romer Acos, Acting Chief of Police ng Tago Municipal Police Station, ang dalawang pulis na sina Police Corporal Kietch Patrick D. Pontilan at Police Corporal Jonalyn E. Paler, na walang sinayang pagkakataon upang masiguro ang kaligtasan ng buhay ng mag-ina.
Nabatid na habang nagsagawa ng routine mobile patrol, nakasalubong ng mga pulis ang isang traysikel na may sakay na babaeng malapit nang manganak at nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Agad naman itong inilipat sa patrol vehicle at isinugod sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center.
Gayunman, habang papunta sa ospital, biglang bumilis ang pagle-labor ng babae kaya napaanak sa loob mismo ng patrol car.
Walang atubiling umalalay si Police Corporal Paler sa panganganak upang matiyak ang kaligtasan ng ina na si Jolina Arangal, 23 anyos, at ng kanyang ikatlong anak hanggang sa maayos na nailuwal ang sanggol at nalapatan ng atensyong medikal pagdating sa hospital.
Source: https://newsinfo.inquirer.net/2187112/cops-hailed-for-assisting-woman-give-birth-in-patrol-car



