Nabunturan, Davao de Oro – Sumuko ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group sa pwersa ng gobyerno at narekober ang matataas na kalibre na baril sa Davao de Oro noong Biyernes, Abril 8, 2022.
Kinilala ang mga dating rebelde na si alyas Jack, alyas Mar-Mar at alyas Winwin na miyembro ng Regional Operations Command – Southern Mindanao Regional Committee (ROC-SMRC) at Weakened Guerilla Front 2.
Kasabay ng kanilang pagsuko ay ang pagpapahayag nila sa lokasyon ng kanilang mga armas.
Ang pinagsamang puwersa ng mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ay pumunta sa Sitio Mission, Brgy Andap, New Bataan, Davao de Oro kung saan tinukoy ang eksaktong lokasyon ng mga armas.
Narekober sa nasabing lugar ang isang M60 Machine gun, K3 Light machine gun, M203 Grenade Launcher, apat na M16 Rifles at isang Claymore mine (IED).
Mainit naman na tinanggap ni PCol Leonard Luna, Provincial Director ng Davao de Oro Police Provincial Office ang mga dating rebelde upang ipakita ang lubos na paggalang at taos-pusong intensyon na tulungan silang makabalik muli sa lipunan.
Dagdag naman ni PCol Luna, ang pagsuko ng mga dating rebelde at pagbawi ng mga baril ay resulta ng walang humpay na pagsisikap ng gobyerno na wakasan ang communist insurgency sa probinsya na alinsunod sa Executive Order 70 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
###
Panulat ni Patrolman Preal Cris Edosma