Davao City – Tinatayang Php288,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isang lalaki ng Ma-a PNP sa Davao City Jail Area, Ma-a Davao City, nito lamang Miyerkules, Abril 6, 2022.
Kinila ni PMaj Jun Bautista, Officer-in-Charge ng Ma-a Police Station 16, ang suspek na si Abdullah Asakil.
Ayon kay PMaj Bautista, naaresto ni Patrolman Ramel Botohan ang suspek matapos nitong sitahin si Asakil na lumabag sa City Ordinance na “Anti-Smoking” habang siya ay nakaduty sa paligid ng nasabing kulungan. Bibigyan lamang sana ni Patrolman Botohan ng simpleng violation ticket ang suspek ngunit tumakbo ito at tinapon ang hawak na plastic bag.
Ayon pa kay PMaj Bautista, nakita sa loob ng plastic bag na tinapon nito ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit kumulang 18 gramo na may street market value na Php288,000.
Humingi ng tulong si Patrolman Botohan sa tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na si Jail Office 1 Esmael Kasan upang ireport ito sa nasabing istasyon.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi naman titigil ang Police Regional Office 11 sa pamumuno ni PBGen Benjamin Silo Jr., na suportahan ang bawat ordinansa sa mga lungsod na kanilang nasasakupan na siyang daan upang mahuli ang mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga.
###
Panulat ni Patrolman Alfred D Vergara