Makati City —Tinatayang Php394,400 ang kabuuang halaga ng shabu ang nakumpiska sa tatlong pusher na suspek umano sa Makati City sa magkahiwalay na buy-bust ng pulisya kahapon, April 5, 2022.
Ayon kay District Director Police Brigadier General Jimili Macaraeg ng Southern Police District, isa ang arestado sa unang operasyon ng mga operatiba ng Makati Station Drug Enforcement Unit at SIS na naganap bandang 4:00 ng hapon sa No. 692 JP. Rizal St. Barangay Valenzuela, Makati City.
Kinilala ni PBGen Macaraeg ang suspek na si Vernie Antonio y Mabuti alyas “Mimi”, 54.
Nakuha kay Antonio ang siyam na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 50 gramo at nagkakahalaga ng Php340,000, siyam na tig-isang libong piso na boodle money, isang libong piso na ginamit bilang buy-bust money, at isang pouch.
Samantala, dakong 4:30 ng hapon nahuli naman ang dalawa pang mga suspek na sina Ronnie Reciproco y Gomez alyas “Boss”, 35, at Maria Theresa De Paz y Rosco alyas “Ekang,” 41, sa No. 405 Scorpion St., Brgy. Southside, Makati City ng mga operatiba pa rin ng Makati SDEU.
Nasamsam sa kanila ang walong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman din ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang walong gramo at may Standard Drug Price na Php54,400, at limang daan na ginamit bilang buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Sa pagpapatuloy ng operasyon ng SPD kontra ilegal na droga, makikita natin na mayroon pa ring mga nahuhuli na lumalabag sa probisyon ng Republic Act 9165. Ito ay patuloy nating tututukan at pagtutuunan ng pansin. Hinihimok ko ang ating mga kababayan na umiwas sa ilegal na droga na maaaring magdulot ng kapahamakan sa bawat isa,“ ani pa ni PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos