Camp Crame, Quezon City– Nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay si PNP Chief, Police General Dionardo Carlos sa pamilya ni Patrolman Harvie Lovino Jr, 30, na napatay sa insidente ng pananambang sa Las Navas, Northern Samar na umano’y ginawa ng Communist Terrorist Group (CTG) dakong 1:00 ng umaga, noong Abril 4, 2022.
Si Lovino ay nakatalaga sa 1st Provincial Mobile Force Company at residente ng San Isidro, Northern Samar.
“Hustisya ang hinahanap ng PNP. Ang pagkamatay ng isang peace officer at tagapagtanggol ng mga tao ay hindi dapat mawalan ng kabuluhan. Nag-utos ako para sa mabilis na pagsisiyasat sa kasong ito upang matukoy ang may responsibilidad,” sabi ni Carlos.
Patungo sana ang grupo sa istasyon matapos matanggap ang kanilang COVID booster shot nang tambangan sila at mga militar gamit ang Improvised Explosive Device (IED) sa Barangay San Miguel.
Dalawa pang tauhan ng PNP na si Patrolman Rico Borja at Patrolman Leandro Bulosan ang nasugatan kasama ang tatlo pang miyembro ng AFP na sina Cpl Arvin Papong, Pfc Whilydel Jic Rodona, at Pfc Wilmer Del Monte.
Dahil sa pangyayari, mariing kinondena ni Gen Carlos ang paggamit ng IEDs ng mga CTGs sa pananambang sa mga PNP at militar sa nasabing lugar.
Nagsagawa ng province-wide pursuit operation laban sa mga suspek, at lahat ng katabing istasyon ng pulisya ay inatasan na magsagawa ng checkpoint sa paghahanap sa mga armadong lalaki na tumakas matapos ang madugong insidente.
“Inutusan din namin ang mga kaugnay na establisyimento, kabilang ang mga ospital na alertohan ang mga otoridad kung sakaling makatagpo sila ng mga kahina-hinalang indibidwal,” sabi ni PGen Carlos.
###
Panulat ni Police Master Sergeant Leah Lyn Q Valero