Quezon City — Arestado ang isang suspek sa panggagahasa, sapilitang pagdukot, at ilegal na pagdadala ng baril at bomba ng mga pulisya ng Quezon City noong Linggo, Abril 3, 2022.
Kinilala ni District Director, Police Brigadier General Remus Medina ng QCPD ang suspek na si Mhelo Monsada, 35, residente sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Ayon kay PBGen Medina, dakong alas-5:00 ng hapon nahuli ang suspek sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Brgy. Holy Spirit, Quezon City ng mga tauhan ng Holy Spirit Police Station, QCPD.
Ayon pa kay PBGen Medina, apat na babae ang nagsampa ng reklamo laban sa suspek at tatlo sa kanila ay menor de edad pa lamang.
Dagdag pa ni Medina, ang suspek ay sangkot sa mga ilegal na aktibidad katulad ng pagbebenta umano ng baril, mga insidente ng panggagahasa sa mga menor de edad, at talamak na robbery hold-up sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City, Marikina City, Bulacan, at Cavite.
Narekober mula sa kanya ang isang Magnum caliber .22 Black Widow revolver, isang MK2 handheld grenade, apat na bala, isang Honda Click 125 na motorsiklo, at dalawang libong piso.
Mahaharap ang suspek sa patung-patong na kaso ng Forcible Abduction sa ilalim ng Article 342 ng Revised Penal Code, Rape sa ilalim ng R.A. 8353 o Anti-Rape Law, at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa Omnibus Election Code.
“Tinitiyak namin sa mga naging biktima ng arestadong suspek na ipagkaloob sa kanila ang hustisyang kanilang patuloy na ipinaglalaban at sisikapin namin na tanging ang batas ang siyang mananaig para sa kanila,” saad ni PBGen Medina.
#PNPKakampiMo
#WeServeandProtect
Source: PIO QCPD
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos