Pangil, Laguna – Patay ang isang pulis sa Anti-illegal Gambling Operation sa Laguna habang naaresto ang suspek sa manhunt operation ng mga pulisya nitong Linggo, Abril 3, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Cecilio Ison Jr., Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, ang namatay na pulis na si Police Chief Master Sergeant Gilbert Briz, 42, residente ng Brgy. Del Carmen, Alaminos, Laguna at ang suspek na si Ronilo Oliveros Ruben, alyas Babap, 33, residente ng Brgy. Sulib, Pangil, Laguna.
Ayon kay PCol Ison Jr., bandang 10:10 ng umaga nagsagawa ng Anti-Illegal Gambling Operation ang mga pulisya ng Pangil Municipal Police Station sa Brgy. Sulib, Pangil, Laguna nang naagaw ni Ruben ang baril ni PCMS Briz at naiputok agad sa pulis na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Bandang 6:57 ng hapon nang maaresto si Ruben sa Brgy. 4 Quinale, Paete, Laguna sa follow-up at manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng Pangil MPS, Siniloan MPS, Paete MPS at Mabitac MPS.
Narekober sa suspek ang baril ni PCMS Briz na Tanfoglio 9mm, isang mint green/black Rusi Motorcycle na walang plaka at isang black cellular phone.
Ang Pambansang Pulisya ay mahigpit na kinokondena ang ganitong krimen laban sa mga kapulisan.
Sinigurado ng organisasyon na mabigyan ng financial assistance at ibang pribileheyo ang naiwang pamilya ni PCMS Briz.
###
Police Executive Master Sergeant Joe Peter Cabugon