‘Hindi sila nakakalimutan ng organisasyon’ – tinitiyak ng PNP sa pagrepaso sa disability discharge rules

0
566

Bilang respeto sa mga sakripisyo ng mga kapulisan alang-alang sa serbisyo-publiko, siniguro ni Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., Acting PNP Chief, ang pagkakaroon ng komprehensibong pagrepaso sa mga patakaran sa disability discharge upang matiyak na updated ito, at nakakatanggap ng patas at angkop na suporta ang mga tauhan.

Sa linya ng tungkulin ng isang pulis, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga pinsalang lubhang nakaaapekto sa pagtupad ng kanilang pang-araw-araw ng gawain. Kung kaya naman, ang direktiba ni PLtGen Nartatez na magarantiya ang tamang benepisyo, pagkilala, at suporta para sa mga tauhan ay isang makabuluhang hakbang na nararapat pagtuunan ng pansin.

Kaugnay nito, inatasan ng Hepe ng Pambansang Pulisya ang PNP Health Service at ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na magsagawa ng malawakang pag-audit sa mga kasalukuyang disability discharge procedures, kabilang ang mga lumang probisyon at policy gaps, upang matiyak na updated ang mga ito at nasusunod ang wastong proseso.

Sa ilalim ng Republic Act 6975 o ”DILG Act of 1990”, ang mga tauhan ng PNP na nagkaroon ng ‘total permanent physical disability’ sa panunungkulan ay maaaring magretiro depende sa haba ng kanilang serbisyo. Mayroon ding mga benepisyo para sa mga may kapansanan na ipinapatupad ng National Police Commission.

Tinitiyak din ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba ang mga ahensya upang pagtugmain ang disability ratings, medical evaluations, at benefit computations sa mga uniformed services.

Dagdag pa rito, inatasan ni PLtGen Nartatez ang mga yunit na tukuyin ang mga tungkuling pang-administratibo, teknikal, at iba pang posisyon na maaaring punan ng mga tauhang ‘medically unfit’ para sa field deployment ngunit may kakayahan pa ring magbigay-serbisyo sa bayan.

“…we want our officers to feel na hindi sila nakakalimutan ng organisasyon. Ang serbisyo nila ay hindi mawawala, and we make sure [that] they receive the recognition they deserve,” pagbibigay-diin ni PLtGen Nartatez.