Eastern Samar – Boluntaryong sumuko ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group sa mga kapulisan ng 2nd Eastern Samar Provincial Mobile Force Company nito lamang Huwebes, Marso 24, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Rolando Dellezo, Acting Force Commander ng 2nd Eastern Samar Provincial Mobile Force Company, ang sumuko na si alyas “Ka Yap”, Medical Officer ng Squad Dos na pinangungunahan ni alyas “Barok”, CO ng APOY Platoon FC SE SRC na kumikilos sa lugar ng Lawaan pababa ng Borongan City at sa lahat ng munisipalidad ng Eastern Samar.
Ayon kay PLtCol Dellezo, kasama ng pagsuko ni “Ka Yap” ay ang isang caliber 45 pistol na Colt M1911-A1 na may Serial Number na 795218, isang magazine assembly na may apat na live ammunitions ng parehong kalibre.
Tiniyak ni PLtCol Dellezo na ieendorso si “Ka Yap” sa programa ng gobyerno na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) para sa kanyang pagbabagong buhay.
Ang E-CLIP ay isa sa flagship program ng administrasyon ni Pangulong Duterte na naglalayong magbigay ng social equity sa mga dating miyembro ng NPA, Communist Terrorist Groups, National Democratic Front of the Philippines at Militia ng Bayan para muling maisama sila sa mainstream society.
Sinabi ni PLtCol Dellezo, “ito ay isang hakbang palapit sa pagbuo ng isang mapayapa at maunlad na bansa”.
Pagkatapos ay idinagdag niya na sa ilalim ng kanyang pamumuno ang kanyang mga tauhan ay nagsusumikap sa abot ng kanilang makakaya na maisakatuparan ang pagpuksa sa mga Communist Terrorist Groups (CTG’s) at patuloy na palalakasin ang istratehiya ng katalinuhan nito upang makamit ang mas mataas na layunin ng pagkakaroon ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan.
###
Panulat ni Patrolwoman Rialyn Valdez