Dating Kasapi ng CTG, kusang sumuko sa Gattaran, Cagayan

0
571

Kusang sumuko ang isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga awtoridad kahapon,  Setyembre 16, 2025 sa Barangay Tagumay, Gattaran, Cagayan.

Kinilala ni Police Major Krismar Angelo P Casilana, Officer-in-Charge of Gattaran Police Station, ang sumuko sa alyas na “Bernie”, isang magsasaka at residente ng nasabing barangay. Si alyas “Bernie”  ay dating kasapi ng East Front, Komprob Cagayan ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV), mula pa noong taong 1995 matapos siyang mairecruit ng CTG.

Sa kanyang salaysay, isiniwalat ni Bernie na una siyang dinala sa isang pulong-pulong na inorganisa ng grupo sa Barangay Tagumay. Sa hindi naglaon ay nahikayat siyang sumapi sa kilusan matapos siyang alukin na maging bahagi ng adhikain umano ng CTG para sa mga marhinalisadong sektor ng lipunan. Pinangakuan din siyang matutulungan ng grupo na iahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Kalaunan ay naging aktibong miyembro si Bernie bilang isang armadong combatant. Ibinigay sa kanya ng grupo ang isang kalibre .38 na revolver at mga bala para sa kanyang proteksyon. Ayon pa sa kanya, madalas silang magtungo sa mga barangay sa Baggao at Gattaran na kilala umanong may simpatiya sa CTG, upang mangalap ng mga bagong kasapi.

Ibinunyag rin niya ang ilang mga ilegal na aktibidad ng grupo, kabilang na ang insidente noong Oktubre 2021 sa Barangay Tanglagan, Gattaran, kung saan isang miyembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) na kinilalang si alyas “Jay Ar” ang tinutukan at tinalian ng mga miyembro ng CTG. Kinuha ang kanyang mga gamit at pinagbantaan na magbitiw bilang CAA.

Ang pagsuko ni alyas “Bernie” ay resulta ng pinaigting na kampanya ng PRO 2 laban sa lokal na terorismo, alinsunod sa Executive Order No. 70 at sa inisyatibo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Pinangunahan ang operasyon ng Gattaran Police Station, sa koordinasyon ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) at Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2).

Samantala, muling nanawagan si PBGen Roy B Parena, Regional Director ng Police Regional Office 2, sa mga natitira pang kasapi ng CTG na magbalik-loob sa pamahalaan.

“Panatilihin nating insurgency-free ang ating rehiyon at huwag nating hayaang manaig ang terorismo at kaguluhan sa ating mga komunidad upang matamasa ang isang mapayapa, tahimik, at nagkakaisang komunidad,” ani PBGen Parena.

Source: PRO 2 FB Page