Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ayon sa kasaysayan ay nagsimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910 bilang pagkilala sa pakikipaglaban sa mga karapatan ng kababaihan. Hiniling ito ng isang German Labor leader sa katauhan ni Clara Zetkin sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan. At noong 1977, nagpatibay ng isang resolusyon ang General Assembly ng United Nations. Nag-aatas sa mga bansa na ipagdiwang ang “International Women’s Day” tuwing ika-8 ng Marso. Ito ay sinimulang ipagdiwang ng Pilipinas noong Marso 8, 1971.
Binibigyang-pugay ang kababaihan sapagkat malayo na ang kanilang narating at malaki ang naiambag sa pag-angat ng lipunan. Sa ating bansa, halos lahat ng sektor ng lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, sa paglilingkod sa bayan, sa mga kababayan at pamayanan. Masasabing ang kababaihan ay kabalikat lagi sa pag-unlad at pagpapanatili ng kapayapaan ng ating bayan.
Pinagmamalaki din ng pambansang pulisya ang mga policewoman sa kanilang mga nakakamanghang gawain na pinuri ng ating mga kababayan. Kabilang na rito sina Police Lieutenant Jean Aguada na nagpabreastfeed sa isang limang buwang sanggol na iniwan ng kaniyang mga magulang upang maghanapbuhay; si Police Lieutenant Colonel Joem Malong na nagbigay tulong mula sa personal na kapasidad sa ating mga kababayan lubos na naapektuhan ng pandemya sa Bago, Negros Occidental; si Police Lieutenant Shiela Joy Fronda na nagbigay ng wheelchair at mga damit sa may kapansanang bata sa probinsya ng Cagayan. Kasama ni PLt Fronda ang kanyang anak sa pagbebenta online para makalikom ng sapat na perang pambili ng mga gamit para sa batang may kapansanan.
Labis ding hinangaan si Patrolwoman Clare Aboc na tumulong sa isang ginang na inabutan ng panganganak sa isang pampublikong palikuran na malapit sa Kauswagan Police Station sa probinsya ng Lanao del Norte. Pati narin si Police Corporal Joy Rivares na tumulong sa isang kababayan na naaksidente sa Aguang bridge sa Baler, Aurora. Nilapatan ng paunang lunas ni PCpl Rivares ang naaksidente bago dinala sa ospital. Ilan lamang ito sa mga magaganda at katangi-tanging kontribusyon ng ating mga kababaihan sa hanay ng pambansang pulisya.
Lubos din ang pasasalamat natin sa ating mga kababaihan na hindi man kabilang sa ating hanay ay napakalaking kontribusyon at tulong sa mga programa ng PNP. Ang mga kasapi ng ating Lingkod Bayan Women Advocacy Support Groups at mga kababaihang miyembro ng Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Support Groups and Force Multipliers na katuwang ng PNP sa paglaban sa lahat ng uri ng krimen at naging kasapakat ng PNP sa pagpapaabot ng tulong sa ating mga kababayang nilugmok ng pandemya at labis na naapektuhan ng mga kamakailang bagyo.
Nakikiisa ang pambansang pulisya sa selebrasyon na bigyang pugay ang mga kababaihan sa pagpapamalas ng kanilang katatagan at kakayahan sa kabila ng mga hamong dulot ng pandemya at tugunan ang mga isyung kanilang kinahaharap. Kinikilala ng pambansang pulisya ang malaking bahagi ng mga kababaihan sa pagtataguyod sa serbisyong may puso at malasakit para sa bayan at ating mga kababayan.
###
Mabuhay ang PNP