Sultan Kudarat – Tinatayang Php2.4 milyong halaga ng marijuana ang binunot at sinunog ng mga kapulisan sa isinagawang Marijuana Eradication sa Sitio Alyeng, Brgy. Datalblao, Columbio, Sultan Kudarat nito lamang Biyernes, Marso 18, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Tom Tuzon, Provincial Director ng Sultan Kudarat Police Provincial Office ang marijuana cultivator sa naturang lugar na si Leng Labuayan.
Ayon kay Police Colonel Tuzon, matagumpay na naisagawa ang eradikasyon ng plantasyon ng Marijuana sa pangunguna ni Police Major Jessie Silva Jr., Chief of Police ng Columbio Municipal Police Station sa tulong ng iba pang kapulisan ng Rehiyon 12.
Ayon pa kay Police Colonel Tuzon, bandang 1:00 ng hapon ng madiskubre ang humigit-kumulang 12,000 square meters na pananim ng marijuana at may tinatayang halaga na Php2,400,000.
Agad namang binunot at sinunog ng mga operatiba ang mga nadiskubreng marijuana sa mismong lugar ng taniman habang ang mga natitirang marijuana ay itinurn-over sa Sultan Kudarat Forensic Unit para sa tamang disposisyon.
Ang suspek ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad at mahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 16, Art. II ng R.A. 9165.
Dagdag pa ni Police Colonel Tuzon na sisiguraduhing mananagot sa batas ang nasabing suspek. At magpapatuloy ang kapulisan ng Sultan Kudarat sa pagpapaigting ng kampanya laban sa ilegal na aktibidad upang mapuksa ang mga kriminalidad at ilegal na droga sa kanilang nasasakupan.
###
Panulat ni Patrolman Khnerwin Medelin