Babae, arestado sa buy-bust sa Bataraza, Palawan; Php68,800 halaga ng shabu, nasamsam

0
631

Arestado ang isang babae sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Narazid, Barangay Marangas, Bataraza, Palawan, dakong alas-10:55 ng gabi nitong ika-5 ng Agosto 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Aida,” 47 taong gulang, at residente ng nasabing barangay.

Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng mga personnel mula sa Palawan PDEU, Bataraza MPS, Provincial Intelligence Unit, at 1st Platoon PMF, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Bago ang pagkakaaresto, nabilhan muna ang suspek ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php20,000.

Sa patuloy na body search, nasamsam mula sa suspek ang dalawang karagdagang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 11.56 gramo, pitong piraso ng Php500 bill, isang Php1,000 bill na tunay, at 19 na piraso ng Php1,000 bill (play money) na ginamit bilang buy-bust money. Umabot sa kabuuang 17.2 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng Php68,800, ang nakuha mula sa suspek.

Nahaharap ngayon si alyas “Aida” sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Source: Thunder News Philippines

Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla