Magkapatid, arestado sa buy-bust operation sa Iloilo City

0
816

Arestado ang dalawang magkapatid sa mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa iligal na droga nito lamang ika-5 ng Agosto 2025 sa Barangay Bo. Obrero, Lapuz, Iloilo City.

Dakong alas 7:30 ng gabi nang isinagawa ng mga awtoridad mula sa Station Drug Enforcement Team ng Iloilo City Police Station 8 (SDET-ICPS-8), sa pangunguna ni Police Captain Lester Oliveros, Officer-in-Charge.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Typhoon,” 29 anyos, pangunahing target ng operasyon na isang tokhang surrenderee noong 2018  at alyas “Strike,” 31 anyos, parehong construction worker at residente ng nasabing lugar.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na binili gamit ang Php1,000 marked money.

Sa follow-up search, nakuha pa sa mga gamit ni alyas “Typhoon” ang apat pang sachet ng iligal na droga na nakaimpake sa isang transparent plastic box.

May kabuuang bigat na humigit kumulang apat na gramo ang mga nakuhang illegal drugs na may Standard Drug Price na tinatayang Php27,200.

Samantala kinumpirma naman ni PCpt Oliveros na aktibong sangkot ang mga suspek sa bentahan ng iligal na droga sa nasabing barangay.

Sa loob ng dalawang linggo, isinailalim sila sa surveillance bilang bahagi ng masusing preparasyon para sa isinagawang operasyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Ang matagumpay na operasyong ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Philippine National Police na linisin ang mga komunidad mula sa salot ng iligal na droga at mapanagot ang mga patuloy na lumalabag sa batas tungo sa mas ligtas at payapa na bagong Pilipinas.

Source: Iloilo news live

Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos