Nasamsam ang tinatayang Php68,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang matagumpay na joint anti-illegal drugs operation ng PDEU Palawan, Bataraza Municipal Police Station at 1st Palawan Mobile Force Company noong ika-5 ng Agosto 2025 sa Barangay Marangas, Bataraza, Palawan.
Kinilala ang target ng operasyon na si alyas “Angging”, 47 anyos, babae, negosyante, at residente ng nasabing lugar. Ayon sa mga awtoridad, matagal nang nasa listahan ng mga sangkot sa illegal drug trade ang nasabing suspek.

Nabilhan si alyas “Angging” ng isang malaking plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php20,000. Sa isinagawang body search, narekober pa ang karagdagang sachets ng shabu na may kabuuang timbang na 17.2 gramo, at ilang drug paraphernalia.

Nakumpiska rin mula sa suspek ang marked money na ginamit sa buy-bust bilang ebidensya.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang operasyong ito ay patunay sa patuloy na koordinasyon ng mga law enforcement units sa Palawan upang sugpuin ang banta ng iligal na droga at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.
Source: Bandera News TV Philippines
Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla



