Arestado ang dalawang High Value Individuals ng mga tauhan ng Northern Police District at nakumpiska ang tinatayang Php1,712,220 halaga ng iligal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operation nito lamang Hulyo 29-30, 2025.
Ayon kay Police Brigadier General Jerry V Protacio, Acting District Director ng NPD, unang isinagawa ang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon City Police Station sa Brgy. Santulan, Malabon City.
Naaresto ang lalaking suspek na kinilalang si “Miyo”, 47 anyos at nakuha ang tinatayang 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php68,000, isang kalibre .38 na revolver, at tatlong bala.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).
Samantalang naaresto naman sa H. Lopez Street, Brgy. San Rafael Village, Navotas City ang isang babaeng suspek na kinilalang si alyas “Rose”, 47 anyos.
Nakumpiska ang 73.65 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na Php500,820; 302 tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga naman ng Php513,400; at 90 vape cartridges ng hinihinalang marijuana oil na may Standard Drug Price na Php630,000, marked money at iba pang non-drug evidence.
Kaso sa ilalim ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kakaharapin ng suspek.
“Ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng aming walang humpay na pagsisikap upang tiyakin ang kaligtasan at katahimikan ng ating mga komunidad. Patuloy kaming magsasagawa ng mga hakbang upang tugisin ang mga nasa likod ng kalakaran ng iligal na droga.” ani ni PBGen Protacio.
Source: NPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos





