Calatagan, Batangas – Nasawi ang isang pulis at tatlong suspek sa nangyaring engkwentro sa Calatagan, Batangas nito lamang Marso 12, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Antonio Yarra, Regional Director ng PRO 4A ang nasawing pulis na si Patrolman Gregorio S Panganiban Jr na nakatalaga sa Calatagan Municipal Police Station.
Samantala, ang tatlong nasawing suspek naman ay sina Joel Herjas y Robles, Rolly Herjas at Gabriel Bahia y Robles, pawang mga residente ng Brgy. Biga, Calatagan, Batangas.
Ayon kay PBGen Yarra, bandang 10:00 ng gabi nang rumesponde ang Calatagan Municipal Police Station matapos makatanggap ng report na may mga armadong kalalakihan na kahinahinala ang kilos sa Calatagan Cockpit Arena.
Dagdag pa ni PBGen Yarra, agad rumesponde ang mga kapulisan ngunit agad silang pinaputukan ng mga suspek at nagkaroon ng palitan ng putok na naging sanhi ng pagkasawi ni Patrolman Panganiban Jr at ng tatlong suspek.
Naitakbo pa sa Metro Balayan Medical Center at Calatagan Medicare Hospital si Patrolman Panganiban Jr ngunit dineklarang dead on arrival ayon sa attending Physician na si Dr. Yonnalyn Dalangin.
Bukod dito, dalawang sibilyan naman ang nasaktan na naroon din sa lugar ng engkwentro.
Naghain na ng pakikiramay si PBGen Yarra at ang buong kapulisan ng Rehiyon 4A sa pamilya ni Patrolman Panganiban Jr.
Ang kabayanihan ng pambansang kapulisan sa pagtugon sa anumang krimen tulad ng pagtupad ni Patrolman Panganiban Jr sa kanyang sinumpaang tungkulin ay isang sakripisyo para sa bayan.
“Huwag na kayong magtangka pang gumawa ng krimen o ano mang ilegal na gawain dahil ang ating pambansang pulisya ay handang ipatupad ang batas kailanman”, ani Police Brigadier General Yarra.
###
Panulat ni Patrolman Joshua Cruz
Salamat s serbisyo ng mga kapulisan saludo kami