Text: 2 Timothy 3:16-17
Magandang araw po sa inyong lahat na patuloy na tumatangkilik ng aking artikulo. Salamat po sa ating Panginoong Diyos sa Kanyang walang maliw na pag-ibig sa atin. Naalala ko noong ako`y bata pa. Sinabi sa akin ng aking lolo, bago pumasok sa eskuwelahan, “Marami kang batang makakasama at makikilala sa school, pwede mo silang makalaro, makipagkaibigan ka sa kanila pero huwag kang makikipag-away o sasama sa kanilang pakikipag-away apo, naiintindihan mo ba ako?” Ang aking tugon, “Opo lolo, hindi po ako makikipag-away. Sa murang kaisipan ay iminulat na sa amin na dapat ay huwag makipag-away. Hindi ko malimutan noong ako ay walong (8) taong gulang, mayroon akong kababata na kinatatakutan ng kasing-edad namin. Siya ay si Pedro alyas “Tusok”, ang matapang at walang takot na hinaharap ang kaaway, kahit na siya ay duguan ay determinadong pabagsakin ang kaaway.
Ano ang nagtulak sa kanya upang harapin ang kanyang kalaban?
Nagkaroon ako ng pagkakataon na siya`y kausapin at tanungin kung bakit siya matapang. Sinabi niya sa akin, na isang araw siya ay umiiyak galing sa eskuwelahan at nandoon ang kanyang tatay. Habang umiiyak ay sinabihan siya na dapat ay magpakatatag at huwag hahayaang apihin siya ng kapwa niya estudyante o kalaro. Kung hindi kaya ang kalaban sa mano mano ay gamitan ng teknik (kumuha ng pamalo) sa pakikipag-away. Simula noon, kapag may umaaway sa kanya, hinaharap niya ito nang buong tapang. Kung mayroon siyang marinig na hindi maganda sa aming kababata, ito ay kanyang pinapatulan. Dahilan ito upang siya`y katakutan ng lahat ng estudyante. Mayroon namang humahanga sa kanya at naging tagasunod niya at nagtatag siya ng isang grupo (Fraternity). Mayroon siyang kakayahang impluwensiyahan ang ibang mga bata sa aming barangay. Marami ang sumunod sa kanya sa pakikipag-away mula sa eskwela, kalye at hanggang sa bukid. Nasaksihan ko rin kung paano tumakbo ang mga nakaaway niya. Ang nakakalungkot lamang, hanggang sa pagtanda namin ay mahilig pa rin siya sa gulo at riot sa aming barangay. Nabalitaan ko na lang na siya ay nakulong dahil napatay ang kanyang katunggali. Gayun na lamang ang aking kalungkutan sapagkat nadamay ang kanyang pamilya. Ang mga taga-sunod niya ay ganoon din ang sinapit. Sino na ang magta-trabaho para sa kanilang pamiya, asawa at mga anak?
Sino ang nagpalakas ng loob kay Pedro alyas “Tusok”?
Una ang kanyang ama ay nagbigay payo sa kanya. Ikalawa ang kaisipan na ang pagiging mahina ay hindi makakatulong sa kanya.
Ang mga magulang ay may malaking bahaging ginagampanan sa paghubog ng karakter ng kanilang anak.
Sa mga kabaro ko, nais ko pong ipabatid sa inyo na ang magulang ay may malaking bahaging ginagampan upang hubugin ang kaisipan ng ating mga anak. Tayo ang tumatayong unang guro para sa kanila. Lahat ng mga salita na namumutawi sa ating labi ay kanilang naririnig at bawat desisyon na ating ginagawa ay naka rehistro sa kanilang isipan. Kung ano ang mayroon sa atin ang siyang maibabahagi natin sa ating mga anak. You can`t give to others, what you don`t have. Ang ating Values ay naibabahagi natin sa ating mga anak.
Ano ba ang ating good values?
Ano ang natutunan natin kay Pedro alyas “Tusok”?
Ang naging ugat ng pagnanasa ni Pedro na ipagtanggol ang kanyang sarili, ay dahil may mga batang mas malakas at walang habas na saktan ang mga mahihina at isa siya sa mga naging biktima. Mga bata na hindi naturuan ng mga magulang at naimpuwensiyahan ng maling kaisipan. Isa si Pedro sa naging biktima. Mula sa pagiging mahina ay nagkaroon siya ng tapang. Sino ang nagpalakas ng kanyang loob? Ito ay ang kanyang ama at sinunod niya ang payo nito. Nagkaroon siya ng kumpiyansa sa sarili, na kaya pala niyang lumaban. Simula noon, nilabanan niya ang nagnanais na siya`y saktan. Nilabanan niya ang mga umaapi sa mahihina. Ngunit ginamit niya ang tapang upang pasunurin ang mga mahihina sa kanya sa pamamagitan ng pananakot. Ang paggamit ng tapang ay nagbigay dahilan upang siya ay mapahamak. Tandaan po natin na ang bawat desisyon sa ating buhay ay maaaring magdulot ng kabutihan sa atin. Maaari din namang magdulot ng kapahamakan sa atin.
Ang pagtatanggol ay dapat gamitin sa tamang paraan.
Ang pagtatanggol sa sarili ay tungkulin ng bawat-isa. Lalo na`t alam natin na ang kalaban ay may layunin na tayo ay alipinin at wasakin. Tulad ng pagtatanggol ng ating mga bayani sa ating bansa upang makamtan natin ang kasarinlan. Ang pagtatanggol sa sarili ay hindi pagsang-ayon sa maling mga paratang sa atin. Kaya naman kapag may mga sibilyan na nagsasabi ng masama laban sa Pambansang Pulisya, ako ay nagpapaliwanag sa kanila na hindi naman lahat ay masama. Tayo bilang magulang, hindi natin nais na ang ating mga anak ay maging biktima ng karahasan at pananakit. Dapat din nating ituro sa ating anak ang tamang paraan ng pagtatangol. Sa lahat ng ating ginagawa, kinakailangan na tayo ay mayroon gabay at pamantayan. Upang mapairal ang batas at hustisya sa ating nasasakupan. Ang “Banal na Kasulatan” ang mabisang aklat at tunay na sandigan sa buhay natin.
“Every scripture inspired of God is also profitable for teaching, for reproof, for correction, for instruction which is in righteousness. That the man of God may be complete, furnished completely unto every good work.” 2 Timothy 3:16-17
Tayo po ay manalangin! Dakilang Diyos tulungan Niyo kami na maging matapang sa pagharap ng mga hamon sa buhay. Sa pamamamagitan ng Iyong Salita, loobin mo na ito ay matanim sa aming puso`t isipan, upang kami ay malayo sa kasawian at kapahamakan. Magdulot nawa kami ng katalinuhan sa bawat desisyon na aming ginagawa. Patnubayan Mo ang Pambansang Pulisya sa pangunguna ni PGen Dionardo B Carlos, Hepe ng Pambansang Pulisya. Dalangin namin na ang bawat Pamilya ng Kapulisan ay maging matatag at patuloy na nagkakaisa. Sa Iyo po ang papuri at pagsamba. Amen!
####
Amen godbless PNP