President Quirino, Sultan Kudarat – Nasamsam ng mga pulisya ng Sultan Kudarat ang Php162,000 na halaga ng pinuslit na sigarilyo at humigit kumulang na 1.0 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na Php10,000 sa dalawang suspek sa Purok Sampaguita, Brgy. Poblacion, President Quirino, Sultan Kudarat nitong Huwebes, Marso 10, 2022.
Kinilala ni Police Major Samuel Domingo, Chief of Police, President Quirino Municipal Police Station ang mga suspek na sina Zuharto Batua Rahim, 31, may asawa, driver, residente ng Poblacion, Pagalungan, Maguindanao at Dhatz Baumol Dangan, 25, binata, pahinante, residente ng Poblacion, Pagalungan, Maguindanao.
Ayon kay Police Major Domingo, nakatanggap sila ng impormasyon na ang isang unit ng Utility Vehicle (Bonggo) ay may laman na hinihinalang smuggled na sigarilyo mula sa Buluan, Maguindanao patungong Tacurong City.
Kaagad namang nagsagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng President Quirino MPS kasama ang mga tauhan ng Regional Intelligence Division 12, 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company at Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit/Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit sa SKPMFC Pedtubo Detachment, Brgy. Pedtubo, President Quirino, Sultan Kudarat.
Ayon pa kay Police Major Domingo, bandang 01:35 nang hapon ng makita nila ang nasabing sasakyan, sinubukan nitong umiwas sa checkpoint na kaagad na nagbago ng lane at biglang pinabilis ang pagtakbo. Kaagad naman na inaksyunan at hinabol ito ng mga operatiba.
Dagdag pa ni Police Major Domingo, nakumpiska ng pulisya ang 180 reams ng New Berlin Cigarettes na may tinatayang kabuuang market value na Php162,000 at isang unit ng Utility Vehicle (Bonggo) na may plate number MAM 6594, kulay berde na walang kaukulang dokumento.
Maliban dito, narekober din nila ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na inilagay sa loob ng pakete ng sigarilyo na may kabuuang timbang na humigit kumulang na 1.0 gramo na nagkakahalaga ng Php10,000.
Ang narekober na hinihinalang shabu ay itinurn-over sa Provincial Crime Laboratory Field Office 12, Isulan, Sultan Kudarat para sa qualitative and quantitative examination.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10863 o mas kilala bilang Custom Modernization and Tariff Act kaugnay ng Sec 168 ng RA 8293 at Section 11, Article II ng RA 9165.
###
Panulat ni Patrolman Khnerwin Medelin