Timbog ang isang suspek na dati nang nahuli sa kasong may kinalaman sa droga, matapos maaresto ng mga operatiba ng Eastern Police District (EPD) sa isang buy-bust operation dakong 10:40 ng gabi noong Lunes, Hunyo 16, 2025 sa Barangay Nangka, Marikina City.
Kinilala ni Police Colonel Geoffrey N. Fernandez, Officer-In-Charge ng Marikina City Police Station, ang suspek na si alyas “Robin,” 32 anyos, residente ng San Mateo, Rizal, kabilang sa listahan ng High Value Individual (HVI).
Batay sa rekord, nahuli na rin ang nasabing suspek noong Agosto 2022 sa isang buy-bust operation kung saan nakumpiska ang 55 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php374,000.
Nasamsam sa operasyon ang siyam (9) na piraso ng heat-sealed plastic sachet at apat (4) na knot-tied plastic bag na pawang naglalaman ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nasa 295 gramo ang kabuuang bigat ng nakumpiskang droga na may Standard Drug Price na aabot sa Php2,006,000.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Pagtitinda ng Ipinagbabawal na Gamot) at Section 11 (Pagmamay-ari ng Ipinagbabawal na Gamot) ng Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Lubos na pinuri naman ni Police Brigadier General Aden T. Lagradante, Officer-In-Charge ng EPD, ang mga operatiba ng SDEU sa matagumpay na operasyon. “Ang tagumpay na ito ay patunay ng walang humpay na kampanya ng EPD laban sa ilegal na droga. Patuloy naming hahabulin ang mga nagpapakalat ng lason sa ating mga komunidad. Wala kayong ligtas—bantay-sarado namin kayo. Hindi kami titigil hangga’t hindi ligtas at walang droga ang ating mga lansangan.”
Source: EPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos